28.8.10

Pulut-Pukyutan

Pinakamasarap na kainin
Ang pulutpukyutan
Ngunit alam mo ba kung
Gaano kahirap itong kunin
Mula sa pugad ng mga bubuyog
Na binabantayan ng libong matatalim
Na pangil na nakamamatay ang kagat?

Alam mo bang mahirap umakyat ng puno
At sungkitan ang bahay ng reyna
Na pinagingitlugan ng libong itlog
Ng pukyutang inipon mula
Sa sinimsim na bango ng mga bulaklak?

Katulad in ito ng niyog
O ng tuba mula sa nipa
Na mas madaling kunin di tulad ng
Pulutpukyutan nuno ng tamis.

Alam mo bang kailangang magdala
Ka ng apoy upang pausukan ang pugad
Upang hindi ka makagat ng bubuyog na bantay
At maswerte ka kung di ka makagat
Ng mabalasik na ama ng iyong pinapatay
Na kolonya ng mga batang bubuyog?

At kahit makuha para kang tae
Na sinusundan at inaamoy ng daang bubuyog
At kinakagat habang pababa sa matayog
Na punong sadlakan ng kanyang pugad.

At pagkatapos, ang pulot ay iyong
Ihihiwalay sa pugad na kay sarap,
Isasabote ang malinamnam na katas,
Ang malagatas ng pugad ay bibiyakin
Para iyong mananam ang gatas
Para igamot sa masakit na kagat.

At ang pinagkatasan ay gagawing esperma
O kandilang pangpatigas sa sinulid
Na iyong isusuot sa panahim karayom
Kayat maraming dilag na mananahi
Na sa iyo’y magpapasalamat.

Ay kay hirap ng magani ng pulutpukyutan
At tanging sanay na mga katutubo ng gubat
Lamang ang nakakagawa nito
At di karaniwang magsasaka
Ang tatanghaling eksperto sa gawaing gubat

Ganyan din ang pagrerebolusyon
At paglikha ng bagong kaayusan
Gusto mo ng tamis,ng sarap?
Kunin mo ang pulutpukyutan
Sa gitna ng gubat
Sa taas ng punong matayog,
Tigasan ng lahat ng masel
Sa pangunguyapit paakyat
At pababa ng akyat,
Tiisan ang kagat,
Dalhin ang apoy
At lumikha ng napakaraming usok

At kapag ikaw ay nagtagumpay,
Tagumpay ka ngang ganap!

Saturday, April 24, 2010 at 5:44am

No comments:

Post a Comment