28.8.10

Misa ng Bayan

Nang pumasok ang pare
Nang bumunghalit ang koro
Ng pambukas na awit,
hosanna sa kaitaasan:
Sumugod ang mga kawal na sandatahan
sariwang galing sa tagumpay sa EDSA, 1986
Mula sa mga helicopters,
Waring ibinuga ng higanteng tutubi
Pasalakay sa baryo ng Paco
Sa pagitan ng Flora at Pudtol;
Nang humarap ang pare sa kongregasyon
At winasiwawas ang insensyo
Natigib ang altar ng usok at asupre
Nabalot ang baryo ng apoy at bala,
Natadtad ng kurtadilya ang mga dampa
At mga hayop na nasalanta,
Bulagta lahat ng kalabaw at aso,
Maging kawawang manok,
Ginutay ng punglo ng armalite
At masingang M60 at sabog ng M79,
Nagtago at naghanap ng kublihan
Ang kawawang taga-baryo
Dahil sinalakay sila ng mga kampon
Ng kadiliman sa gitna ng tag-araw;
Nang itinaas ng pare ang banal na aklat,
Hinakot ng mga kawal ang lahat ng tao
Sa gitna ng baryo, ginulpi ang mga lalaki
At pinasok ang lahat ng kubo,
Ikinalat ang lahat ng masamsam
Sa labas ng mga dampa
At binasag ang lahat ng banga
Sa paghahanap ng mga taguan
Ng punglo at bala
Nang magsermon ang pare,
Nagsermon din si Koronel
"Na sinumang kumampi sa NPA
Ay di patatawarin ng batas,
Kayat dapat na silang masisi
At magtapat kung nasaan ang
Mga taong labas;"
Nang itaas ng pare ang ostya
At sabihing ito’y katawan ng diyos,
Hinubaran ng mga sundalo si Marya
At tumambad sa kanila
ang murang katawan
Ng babaeng Isneg at halos lumuwa
Ang mga mata ng
mga sukab na sundalo,
ibinuka nila ang paa nito at
humandang lumundag
sa nakabukang kapariwaraan,
Malayo sa mga mata
ng kanilang mabunying Koronel
Nang sabihin ng pare
na ito ang dugo ni Kristo,
Nawasak ang bahay bata
ng kawawang batang Isneg
Na pinasukan
ng mga matutulis na pangkayod
Ng mga magigiting
na sundalo ni Cory Aquino,
At matapos pagsawaan,
Tinadtad nila ng bala
ang kawawang babae
maging ang durog na ari nito,
At pinaanud sa Ilog ng Paco:
nang umawit ng Ama Namin
ang koro at nang muling iwasiwas
ng pare ang insenso
Ganap nang naging abo
ang mga pobreng dampa sa Paco,
Inanod ng Ilog
ang bangkay ng 24 na tao---
kanilang piƱatay, bata, matanda,
babae at lalaki
matapos pahirapan, gahasain o katuwaan,
Nang tanggapin ng mga taong bayan
Sa loob ng simbahan ang ostiyang katawan
Ni Kristo at inumin ang ang kanyang dugo,
Wala nang nakaalala
sa Oplan Lambat-Bitag
Ni Cory Aquino.

Ngayon sa isang taong kamatayan,
Tinatawag siyang santa,
Ipinagdarasal ang kanyang pangalan
Ngunit nakalimutan na ang masaker sa Paco,
Ang pagsunog sa lahat ng dampa
Ng mga minoryang Isneg,
Nakalimutan na sila.
Habang nagmimisa
ang mga nanampalataya,
Habang umaawit
ng hosanna ang mga maka-Cory
sa mga simbahan sa Maynila,
Hindi lilimot ang tribong nasa Cordillera,
Tulad ng pag-alala nila sa Waga noong 1913,
Di nila malilimutan ang masaker sa Paco
Ng Enero 1987,
nang mabura at maglaho
ang kanilang mga baryo,
ang kanilang mga anak,
ama, ina at kamag-anak
sa kubling baryo ng Cordillera
wala nang nakaalala.

Habang nagmimisa ang mga pare
Sa anibersaryo ng kamatayan ni Tita Cory.


Monday, August 2, 2010 at 8:40am

No comments:

Post a Comment