Tula
Pilipit na Leeg, Pilipit na Isip
Masarap sana ang pilipit
Kung ito ay yaong minatamis,
Ngunit kapag pilipit ang leeg,
Pilipit din ang isip
Hindi matamis kundi
Mas mapakla pa sa
Sukang mapait at panis,
Kaya nagulat ako
Nang mabalitaang
Ooperahan ang dating Pangulo
Sa pagkapilipit ng leeg,
May naipit daw na ugat
Kaya mapanganib na operahan
Ang ugat sa leeg.
Nanawagang manalangin
Sa buong bayan
Ngunit sa kalagayan ng pilipit na leeg,
ng bayang lugmok s kahirapan,
pagkadusta't pagkainis
Lalo pang nagkakapilipit,
Namimilipit sa kaiisip
Kung paano makaaahon sa kahirapan,
Ang pilipit na buhay
At hilahod na kalagayang
Lalong nagkakapilipit;
Kaya sa bayan, huwag nang manalangin
At umasa sa daang matwid,
Dahil lalo lamang tayo magkakapilipit,
Yaong nagigipit
Sa talim daw ay kumakapit,
Kaya nalalapit ang mga araw
Ng mga taong pilipit,
na siyang gigilit sa pilipit na leeg!
Hulyo 28, 2011