Alay
Sa Mga Di Kilalang Bayani
Kayong mga nalibing
Sa mga gubat at parang
Na walang pananda man lamang.
Kayo na hindi na mababalikan
At inilbing na walang kabaong himlayan,
Kayo na ang pananda ay punong kahoy,
Munting batis o ilog na madaling tandaan,
Kayo na ang mga bangkay
Ay sama-samang inilibing
Ng mga kaaway ---
Matapos ibilad sa araw
Para ipanakot sa mga nagdadaan
Sa harap ng munisipyo:
Kayo na hinubaran, ginahasa,
Ginulpi bago ipaanod sa karayan,
Kayo na ang mga bangkay
Ay hinukay para kunwa'y bigyang parangal
Ng mga balakyot na militar
Ngunit ang layon ay makuha ang pabuya
Sa iyong kamatayan;
Kayong mga magigiting na bayani
Na di nalibing sa huling hantungan,
Nalimutan na ang mga pangalan
At nagbuwis ng buhay
Sa gitna ng pakikibaka ng bayan.
Kayo na walang pangalang masa
Na dinukot sa gitna ng gabi;
Kayo na pinahirapan sa mga lihim na silid
Saka dinispatsa na parang yagit
At nawalang parang bula sa ere,
Mga bayaning di kilala,
Daang libong masa
Na namgmartsa sa gitna ng daan,
Sa harap ng mga gusaling bayan,
sa EDSA, sa Malacanang,
sa lahat ng dako ng kapuluan.
Kayo na hanggang ngayon ay pinaghahanap
Ng inyong mga kaanak
Mula pa sa panahon ni Marcos, ilampung libong
Nawala na lamang at sukat,
Kayo na tinatangisan ng mga ina at amang
Nawalan ng anak
Habang ngising aso ang mga heneral at aipures nilang
pumaslang at ayaw umamin sa kanilang
Katampalasanang ginawa.
Kayo na wala man lamang bantayog
Sa ngalan ninyo inialay,
Habang ang mga naghaharing uri
Ay nagtayo ng kani-kanilang monumento
Sa lahat ng dako ng kapuluan,
Kayo ay nabubuhay sa ala-ala ng sambayanan;
Ang mga bulaklak na ligaw sa gubat,
Ang mga orkidyas sa mga baging
Ng mga matatataas na puno ang sa iyo ay alay
Hinding hindi kayo malilimot
At laging nagbabagang apoy
sa bawat buga ng sandatang lumalaban,
Kayo ay nasa bawat sigaw ng sambayan,
Kayo ay nasa bawat sandatang
maagaw sa kaaway,
kayo ay nasa bawat sentimo
na alay ng bayan sa pakikibaka
sa ibayong dagat sa lupang sinilangan.
Para sa inyo mga di kilalang bayani
Ni hindi alam ang pangalan,
galing sa uring anak-pawis at inang bayan,
Ang dakilang pakikibaka at magiting na tagumpay
Sa inyo namin--iniaalay!
ApG
Agosto 31, 2011