Artikulo
ASAL- ALIPIN
Matindi ang debate sa usapin hinggil sa pakiusap ng Pilipinas sa Tsina at sa isla ng Taiwan hinggil sa kaso ng mga OFWs kamakailan lamang. Ito ay ang pakiusap ng gobyerno na ipagpaliban ang pagbitay sa tatlong Pilipinong nahuling nagpupuslit ng droga sa Tsina na nahatulan ng kamatayan at ang usapin hinggil sa IFW sa Taiwan.
Katulad ito ng hindi pagpansin ng gobyerno sa nangyaring pagbaligtad ng bandila sa Amerika noong dumalaw ang pangulo sa Amerika noong nagdaang taon.
Hindi na nakapagtataka ang reaksyon ng mga taong gobyerno sa napakalaking pagkakamali na naganap sa pagdalaw ni Presidente Aquino sa Amerika kamakailan. Ito ay ang usaping nabaligtad ang bandila ng Pilipinas sa panahong nag-uusap ang mga pinuno ng ASEAN kasama ang pangulo ng Amerika.
Madali itong unawain sa pagsasabing gawi ito ng mga asal alipin.
Ang mga may asal alipin ay nahirati nang maging tagapangatwiran ng kanilang mga panginoon. Madali nilang pagaanin ang sitwasyon kahit gaano ito kagrabe. Ito ay sa paggawa ng mga dahilan at kung anu-ano pang pagtatakip para sa kanilang mga amo.
Palasak na ito sa kasaysayan. Nariyan sina Rajah Humabon ng Cebu para kay Magalanes, sina Pedro Paterno at Trinidad Pardo de Tavera para sa mga mananakop na Amerikano at gyerang Pilipino-Amerikano.
Sumunod sina Manuel Quezon at mga katoto noong panahong ng mga kolonyalistang pulitika sa Pilipinas at mga sumunod na mga utusan at tagasilbi ng Kano sa mahabang panahong republikang basahan mula 1946.
Usong-uso ito noong panahon ni Marcos nang siya pa ang diktador noong martial law. Ang numero unong sipsip sa media si Ronnie Natanielz nariyan pa ngayon. Andyan din ang nasirang Rod Navarro at iba pang trumpeta ng diktador.
Naalala ko pa noong 1960’s nang may dumating na Amerikanong exchange scholar sa aming klase sa high school Ang tinamaan ng lintik kong guro, pinatayo ang buong klase para magpugay sa aming kaklaseng Amerikana. Ako lang ang hindi tumayo. Nagalit ang guro dahil bastos daw ako.
Sinagot ko nga. “Estudyante lang siya katulad naming, bakit ako magpupugay sa kanya?” Saka lang nagising ang mga kaklase ko na mali ang ginawa nila. Asal alipin kasi ang matanda kong guro. Ayun, nanginginig pag naakita ng puti.
Hanggang ngayon, ang ABS-CBN ay sakmal ng ganitong kolonyal na kaayusan. Tignan lang ang mga artista nila sa TV. Panay FilAm. Panay Kano ang apelyido. Minamasaker na ang wikang Pilipino, natutuwa pa ang mga tao kahit pilipit na ang salita at baluktot ang gramatika. Basta makaganap lamang.
Kasi puti, gwapo at gwapa. Kilig to the bones ang mga bakla. Hiyawan ang mga hitad na kolehiyala. Tabo sa kita ang ABS-CBN maging GMA7 atbp.
E, paano kung ang presidente mismo ang manguna sa sa asal alipin na ito. Aba’y nagalit pa nang may pumuna sa pagbaligtad ng mga Kano sa bandila. “Magaling daw magpuna ang mga taong walang magawa!”
Sabagay dapat pa nga tayong tumanaw ng utang na loob sa mga Kano dahil tama ang kanilang ginawa. Matagal nang may gyera sa Pilipinas sa loob ng mahabang panahon hanggang ngayon sa kanaqyunan.
May gyera sa pagitan ng NPA at AFP at MILF laban sa AFP. Bumira pa rin ang ASG kahit sayad na sayad na sila. Kaya nga pula ang nasa itaas ng bandila. Nasa panghabang buhay na gyera tayo.
Naalala ko noong 1970. Nang itaas ng mga radikal ang badila na pula ang nasa itaas, pinagbabaril sila ng METROCOM. Sabi ni Enrile: “ paglapastangan sa ating bandila yan.”
Asan sina Enrile ngayon? Wala, nakaupo sa Senado, gusto raw niya lahat ay masaya!
Eto naman si Lacierda na mahilig maglamierda,, ang tagapagsalita ng Pangulo : “Di raw sinasadya ng Amerika ang nangyari.” Siya kaya ang baligtarin, hindi kaya sinadya ito?
Kahit dito sa Amerika marami niyan. Tignan lang natin ng dumating si Presidente Aquino dito. Yung mga tagasunod ni GMA sila din ang kasama sa pagsalubong at pagawqit ng hallelujah para kay P-Noy. Nagunguna na dito ang mg taga NAFFAA.
Sabagay kahit sa anumang bansda marami niyan. Sa Amerika may tinatawag silang Uncle Tom na aliping African American na sipsip sa amo niyang puti. Sa Alemanya, lahat ay baliw na baliw noong kay Hitler at nagapakamatay para sa kanilang puno. Huli na ng malaman nilang isa palang mamatay tao ang kanilang kinanabaliwan.
Sabagay sa isang bansa tulad ng Pilipinas na walang dangal at sobereniya mormal lamang asal alipin lahat mula sa pinakamataas hanggang sa karaniwang mamayan. Talagang nakakahawa ang pagiging asal-alipin.
Mas madaling maging maamong tupa kaysa magkaroon ng sariling prinsipyo.
Ang dangal ng bayan ay nabubuo lamang sa gitna ng matinding pakikibaka. Hanggang di dumadaan sa apoy ang bakal hindi ito malilinang. Mananatili itong marupok na tinggang natutunaw sa bahagyang init ng urno.
********