28.8.10

At Wala na ang mga ng Punong Sampaloc sa Kamaynilaan

Wala na ang mga puno ng Sampaloc
sa distrito ng Sampaloc
Sa Kamaynilaan,
tulad ng pagkawala ng Santol sa Santolan
At Mangga sa Manggahan
Maging ang mga duhat sa Karuhatan
At ang tanging naiwan
Ay mga lumang larawan
Sa nagdaang panahong tinalikuran

Nang bungkalin at baguhin
ang dating aspaltadong daan,
Binutas nila ang kalye at pinalitan
ang mga lumang imburnal
ng sementong matibay
kasamang hinugot ang mga puno
sa magkabilang daan
pinagpuputol at pinagbiling panggatong
at ang lugar na tinawag na Sampaloc
ay tanging natagurian na lang sa pangalan


Walang lilim sa kalsada
at laruan ng mga batang kalye
Wala nang tatakbuhan ng mga batang paslit
Sinemento na ang dating ilog
At inilibing na ito sa mga higanteng kalsada
Kaya nga ang sumpa ng kalikasan,
Sa kaunting ulan, lubog ang Maynila
Ang ang kalsada’y nagiging karagatan

Pinalitan nila ang puno ng mga higanteng poste
Ng elektrisidad sa kalunsuran
Mukhang kalansay na aserong
Walang ganda o lilim man lang
At palaging patay kapag may bagyo
O matagalang brown-out sa tag-araw

Wala nang mga puno sa lupang sinilangan
Katulad ng pader ng Intramuros
Na winasak ng mga kanyon ng Kano
at ang tanging itinira ay mga munting kahoy
na itinatanim kapag may dumarating
na bisita ang Malakanyang.

Wala nang bungang
aakyatin ang mga kabataan.
Wala nang mga dahong
pwedeng ilaga at gawing sinigang
sino pa nga ba ang nakakaalam
na ang Sampaloc ay isang lugar na maraming puno
pinaghalawan ng kanyang pangalan?
kundi ang henerasyong nakaraan
wala na,
wala na silang ipamamana sa
kinabukasan
kundi isang pangalan

Wednesday, June 2, 2010 at 6:37pm



No comments:

Post a Comment