22.7.11

Tag-Init ng 1983


Tula

Tag-Init ng 1983
Sa ibabaw ng burol
Mapapagmasdan ang kabilang ibayo
Ang matatayog na bundok
Ng Cordillera at kapatagan
Sa pagitang nahahati
Ng malawak na ilog Cagayan,
Isang lambak na berde
Sa panahon ng taniman
At malawak na kulay balat
Pagkatapos ng anihan
Kung may pinangarap na tirahan
Ay yaong itaas ng burol
Sa gilid ng kabundukan
Abot tanaw ang kabilang ilog
Ng Baggao
Maging ang dulong patag ng Alcala
Nakaharap sa kapatagan
Ng malawak na kalsada
Nguint dito pala magaganap
Ang malalaking labanan,
Babasagin ng mga putok
Ang katahimikan.
Mamayani ang ugong
Ng isang dosenang helicopter,
Mga higanteng tutubing
Magbababa ng mga tropang
Sanadatahn para sindakin
Ang masa tungo sa pagsuko
At kawalang pag-asa:
Nguit mabibigo sila,
Kung gaano sila biglang dumating
Ganano  kabilis din sila umatras
Ng salubungin ng umaatikabong putok
Isang araw sa pabungad ng tag-araw,
Tunay bigo ang atake ng Oplan Tag-araw
Ng Task Force  Alpha:
Mabilis man nilang nasakop
Ang Alcala-Baggao complex
Wala na ang mga gerilya ng bayan
Ligtas na silang nakatakas
At ikinubli ng mga mamamayan.
Naagaw man nila ang burol na iyon,
Lupa lamang na pansamatala
Ang kanilang nasakop,
Hindi hindi ang isip at puso ng sambayanan
Na patuloy na pinagaalab
At lundo’t duyan
Ng rebolusyon

J. Luna
Hunyo 26, 2011