28.8.10

Kontra-Agos

Bakit kaya
Kung sino pa ang may pinakamalaking sakripisyo
Ay siya pang inuupasala
At tinatapunan ng mga pag-alipusta?
Bakit kaya kung sino pa ang nagtaguyod
Sa tamang linya
Ay siyang sinasabing mali at kontra-rebolusyon?
Bakit kaya kung sino ang tumatawag sa sariling
Rebolusyonaryo at abanteng destakamento
Ay siya pang nag-uulit ng mga kamalian
At labis labis ang pagpuri sa sarili at mga nagawa
Ayaw magpuna at mapuna?

Akala ko ba ang higanteng puno
Ay di maitutumba ng mga dwende,
Pero sabi nga ni Mao, ang higanteng puno
Ay di matutumba ang malakas na hangin mula itaas
Kundi ng mahinay at papalakas na hangin
Mula sa ibaba.

Ewan ko ba, batas ata ng kasaysayan
Na ang mga nagtaguyod ng tama
Ay dadaaan sa hirap at butas ng karayom
Lalo na kung ang mga nakakaalam
Ay nagbubulag-bulagan at nagbibingibingihan
Sa protest at panaghoy ng masang kasapian
Habang ang mga nagnanais lamang
Ng karangyaan at magandang buhay
Ay naglilimayon dala ang pangalan
Ng kilusan.

Ilang panahon pa kaya ang masasayang,
Ilang sakripisyo pa ang kailangang gawain,
Ilang ilog pa kaya ng dugo ag ibubuhos
Para maituwid ang kamalian at makita ang tama?

Sabagay ang maitim na ulap ay tumatakip
Sa buwan at araw kapag ginusto nito.
At kayang takpan ng buwan ang magiting na araw
Kahit pansamantala
Pero ano ang magagawa natin
kundi ang tumindig sa tama
At ipaglaban ang katotohanan
Kung hindi anong kwenta ng buhay
Na di inialay sa sambayanan?

Mahirap sumalunga sa unos
Ngunit kay sarap ng pakiramdam
Kapag narating ang kabilang pampang
Na nais tawiran
Sa kabila ng rumaragasang agos.

Salamat at maraming salamat
Sa masang nagtitiwala
At mga kasamang hindi man magsalita
Ay nanatiling naniniwala.
Ang inyong suporta at tiwala
Ay apoy na nagpaparikit sa aming
Nagaapoy na puso

Talagang mahirap
Ang magrebolusyon
Lalo na manindigan
Para dito.

 Thursday, March 4, 2010 at 2:16pm

No comments:

Post a Comment