Pinatay nila ang Supremo
Upang pagharian ang kanyang binuo
Sa akalang mapapasakanila ang kapangyarihan
isa itong malaking pagkakamali,
Simula pala ito ng delubyo
sumakmal sa bayan sa susunod na mga taon;
Lilitaw lamang ang mga mas malalaking pagkakamali
pagsisihan habang buhay
Ipinagpalit sa ilang panahon ng kapangyarihan
Paulit-ulit na paglalalangan,
Ilang ulit na hindi makikinig sa mga tamang payo,
Palibhasa mga mayayamang ilustrado
ang kanilang uri ang magkakanulo sa kanila
Nang paslangin nila ang Supremo
Ibaon sa di namamarkahang puntod,
Pinatay na rin nila ang bayan,
Hahayaang matali ito sa pundilyo ng mga dayuhan,
ilang ulit na mananawagan ang dakilang heneral,
“Isuko ang inyong mga armas
At lumahok sa eleksyon para sa kapayapaan.”
ilang ulit magkakaila
hindi niya pinapatay si Supremo Andres,
Heneral Antonio Luna at kasama nito,
dakilang heneral na isusumpa ng bayan
mamatay na malungkot
at di pinapansin,
dinudurhan
ang mukha't pangalan,
marami pa sa kanya ay tutulad,
akala sa kapayapaan,
sa eleksyon ng burgesya,
pagpapatuta sa dayuhan,
Malulutas ang problema ng bayan.
Sangkaterbang baliw at mga hangal!
Supremong pinaslang—
Hindi man lamang binigyan
Ng marangal na libing,
Palagi ng babangon sa diwa ng bayan,
Lalaging tangan ang armas
Hanggang makamtan ang tunay na kalayaan…
Sunday, June 20, 2010 at 9:13am
No comments:
Post a Comment