28.8.10

“Problema ang Makata” (Alay kay Ka Randy ng BAGWIS, Chicago)

laging mainit, panahon sa timog amerika
lunan daw at pugad ng mga makata
silang laging pangarap ang katubusan
ng bayang pinakamamahal
bansang inalipin at dinusta
ng pendehong peninsulares mula sa espanya
ng iustradong mga anak, maging apo nila
silang lumalangoy sa dugo
semilya ng mga de goiti, salcedo't legazpi
silang inaruga ng mga indian ng timog amerika
pero pambubusabos ang isinukli pa
silang nagwasak ng templo ng pagmamahal
ng katutubong ritwal at awit ng pag-asa
silang nagluklok sa altar ng dusa
ng santo't santang mula sa europa
ilong matatangos, mangasul-ngasul ang mata!

problema daw ang mga makata
sa panahon pa ni plato ng makalumang gresya
silang matatalas ang dila, isip at diwa
silang ubod wagas kung magmahal
silang inaawitan ang labing mapupula
susong malusog, mapang-akit na mata
silang inaawitan ang alindog
ng mga dilag na malilibog
sila daw ang problema
ng kontinente ng europa at amerika!

problema ba sila
dahil nagsasabog ng liwanag
sa isip na nadirimlan?
problema ba sila
dahil iminumulat ang masa sa katotohanan
upang sagradong karapata'y ipaglaban?
problema ba sila
dahil di nahilo sa kamanyang
insenso ng santo
o di nabulag sa altar ng luho
ng mga pari't obispong ipokrito
torero ng mga pia alba at maria clara
ng mga huli, inosenteng dalagita
sa pilipinas man o amerika?
problema ba sila
dahil may kaisipang marxista?
at unang sumigaw:
"alerta, amerika latina
abajo imperialismo, fuera dictadura!"

mga makata, problema nga sila
ng uring mapagsamantala
laging totoo ang sinasabi nila
tulad sila ng mga jose marti ng cuba
ni ruben dario ng nicaragua
ni pablo neruda ng chile
ni rigoberto lopez perez ng nicaragua
na di nangiming utasin
diktador ng bansang pinakasisinta.
problema nga sila
silang saksi ng kasaysayan
silang mambabatas ng lansangan
silang matapat na tinig ng budhi ng bayan
nakikipagniig kasi sa kanyang mga pangarap
at kasama niyang pumapalaot
tulad ng marinero
ang guniguni
ng mga naniniwala
sa kanya!

paalam Ka Randy...

 Monday, June 21, 2010 at 5:13pm

No comments:

Post a Comment