salamat sa mga oda
sa halimuyak ng bungkos ng mga salita
salamat sa pumpon ng mga bulaklak
ng pangungulila at pakikiisa
ng mga fudge tajar at kislap alitaptap
ng mga kapusod sa hilahil at dusa ng masa
ng mga kadugo sa pakikibaka.
salamat mga kasama
huwag ikalungkot ang aking paglisan
hindi ako nawawala
madarama ninyo ang labi ko
sa halik ng hangin sa inyong mukha
maririnig ninyo ang tinig ko
sa dagundong ng mga protesta
sa mga lansangan at eskinita
laban sa inuuod na sistema.
hindi ako nawawala mga kasama
huwag itangis ang pagkakalayo
sa batis ng mapagpalayang mga layunin
mukha ko’y masasalamin
sa bawat pintig ng puso ng mga inalila
sa bukid man sa kanayunan
o pabrika sa kalunsuran
pag-ibig ko’y madarama
sa kalyo sa palad ng manggagawa
ako’y masasalat
sa anghit sa kilikili ng magsasaka
ako’y malalanghap.
lagi’t lagi akong naririyan
sa dibdib ng mga kapanalig sa pakikibaka
kasama akong umiindak
ng mga talahib na namumulaklak
kasama ako ng mga hamog sa damuhan
kasama ako ng bawat uhay ng palay
kasama ako ng langay-langayan
kasama ako sa paglalamay
ng nagkakaisang hanay
kahit alitaptap ang tanging ilaw
sa pusikit na karimlan.
magkasama pa rin tayo mga kasama
alalahaning di nasasayang ang anumang buhay
sa masang sambayana’y inialay
huwag bayaang tupukin ng kidlat
ang ating pagmamahal
sa bayang dibdib nati’t tiyan
angkinin man ng lupa ang ating laman
dugo tayong di titigil sa pananalaytay
sa bawat ugat ng paghihimagsik
sa inhustisya’t kabusabusan
diwa tayong patuloy na maglalakbay
para mapairal ang hustisya sosyal
diwa tayong patuloy na kakampay
upang bansa’y magbanyuhay.
salamat sa mga oda mga kasama
salamat sa mahalimuyak na pag-alaala
salamat sa kamanyang ng pagpapahalaga
magkalayo man ang ating mga katawan
magkakaugnay pa rin ang ating mga ugat
magkadugo’t nagkakaisang-diwa
sa paglalagablab ng apoy ng paglaya!
~ January 25,2010
ni Ka. Roger Ordonez
posted Friday, February 5, 2010 at 12:45pm
No comments:
Post a Comment