28.8.10

Ang Palay at Ang Mga Kasama

Ang mga kasama
ay tulad ng nupling ng palay
Itinatanim upang maging isang bunga
Upang bunutin at anihin
Para muling itanim at yumabong
Na isang halamang hitik ng mas maraming bunga

Pinayayaman upang maging matibay
Upang sa pagtarak nito sa lupa
Ay muling mamunga
ng mas maraming buhay
Na may matibay na sisidlang
Kayang ipagtanggol ang sarili
Mula sa init at lamig,
Hangin at bagyo ng kalikasan

At sa pag-aani ng bunga nito
Daraan pa ito sa pag-gigiik at marahas na hampas
Upang ihiwalay ang ipa sa tunay na bunga,
Ang dumi sa malinis na kabibing kayumanngi
Para ihanda pagbabayo at pagsasala

At sa gitna ng lusong
ito ay paulit-ulit na binabayo
Upang ihiwalay muli ang kabibi sa bungang puti
At kakaning pinipig kapag inihaw
At dinilaan ng apoy
At saka muling tatahipin
Upang ganap nang ihiwalay ang bunga sa ipa

Tulad ng rebolusyon
Ang mga rebolusyonaryo
ay dumadaan din sa proseso
Katulad ng palay
Akala mo ay ganap nang isang tao
Kahit dumaan na sa maraming proseso
Ng unos at bigwas ng bayo at lusong
Ng pagtatanim at pag-aani
Ngunit iyon pala ay marami pang
nakahalong dumi at ipa
Kaya dapat pang muling salain
At dumaan sa ilang ulit na pagtatahip
Para tanghaling ganap na butil ng bigas
At hindi na palay.

Alam kaya ito
ng mga naglunsad ng rebolusyon?
Na marami pa silang tungkulin na dapat gampanan?
Na hindi natatapos ito sa paglalatag
At pagaani ng palay?
Kailangan pang itong
Paulit-ulit na bayuhin
para ganap na maging bigas?
Dumaan sa ilang pagtatahip
At hindi dapat na maging tigil
At kontento na sa pagani at paggapas
Ganoon din sa pagbabayo
at panimulang pagtatahip?

Sana alam nila
Para lalong silang tumibay
Para tanghali silang butil ng bigas

Sana nawa
ay alam nila.

 Monday, March 22, 2010 at 2:58pm

No comments:

Post a Comment