ni Rogelio L. Ordonez
tatlumpu't walong milyong piso
ang presyo ng kabayo
ng babaing anak ng asendero
nuwebe pesos at singkuwenta sentimos
ang pawis na idinilig ng sakada't magsasaka
sa tubuhan at kabyawan ng asyenda
nuwebe pesos at singkuwenta sentimos
ang dugo ng brasong naging katas
ng talatalaksang tubo sa asukarera
sabi nga ni antonio jacinto ng angola:
"sa malawak na lupaing iyon
ay bihirang umulan
pawis ng aming noo
ang nagdidilig sa tubuhan...
sa malawak na lupaing iyon
matataas na ang mga tubo
dugo ng aming katawan
ang katas ng mga tubong iyan."
nuwebe pesos at singkuwenta sentimos
lamang iyon kada araw
at milagrong maragdagan pa
sa kabila ng nag-aalab na protesta.
marinig pa kaya ng kanilang patron
sa altar ng dusa ang laksang nobena?
maulinigan pa kaya ng diyos ni abraham
ang inusal nilang mga decenario
para sa namayapang kapwa sakada
na halos hangin lamang at dusa
ang nagkarambola sa bituka?
milyong ulit na rin silang nagrosaryo
pero di narinig maging ng kabayo
kyrie eleyson, kristi eleyson
kristo pakinggan mo po kami
diyos ama sa langit
diyos anak na tumubos sa sanglibutan
diyos espiritu santo
santa maria
santang birhen puno ng mga birhenes
ina ng grasya ng diyos
tone-toneladang asukal
ang nalilikha namin para sa asendero
gabutil lamang ng hamog ang asukal
ng namumutla naming tabo ng kape
sa giniginaw at nananangis na umaga
sinong diyos ang tatawagin pa
maisabaw man lamang sa kanin
at malasahan ng gilagid at dila
pulot na espesyal na may gatas pa yata
para sa kabayo ng babaing pinagpala?
tatlumpu't walong milyong piso
ang halaga ng kabayo
ng babaing anak ng asendero
kabayong tinuruang magilas na lumakad
magmartsang parang heneral ng hukbo
sintulin ng kotseng porsche at ferrari
ng asendero kung tumakbo
habang uugud-ugod sa tubuhan
at kabyawan ang sakadang si pedro
kabayong tinuruang lundagin
ang hilera ng mataas na barandilya
sa larong pangmilyonaryo't elitista
ang equestrian ng mga nakapasak
sa nakatatakam na puwit
at mapang-akit na bungangang pinakikipot
ang gintong tenidor, kutsara't kopita...
sa takipsilim pag-uwi ng sakada
halos gumagapang kung umakyat
sa nakadipang mga baytang
ng mababali nang hagdang kawayan
nakaluhod, nagdarasal ang dampang kugon
sumisigaw ang utak ng sakadang si pedro
paano pa nga ba siya mangangabayo
sa bagong ligo sa posong dibdib na kasuyo?
tatlumpu't walong milyong piso
ang presyo ng kabayo
ng babaing anak ng asendero
kabayong kapag medyo matigas ang ulo
umaalma't tinatamad sumunod sa amo
agad na magiliw na hihimasin
susuyui't hahalikan pati nguso
kapag bahagyang bumahin-bahin
natutuliro't nagkukumahog ang beterinaryo
kung anu-anong bitamina't gamot
ang isasaksak at ipalulunok sa kabayo.
nuwebe pesos at singkuwenta sentimos
ang presyo ng sakada't magsasaka
sa asyenda
kapag umalma't nagprotesta
dudukutin, bubugbugin, lalatiguhin
kung minsa'y pauulanan pa ng bala
nang malagutan na ng hininga
di maibili ng kahit ataul na palotsina
mabuhay man sa kadadasal ng mga kasama
o sa paghihilamos ng agua bendita
di naman makatikim ng kahit decolgen at aspirina...
kyrie eleyson, kristi eleyson
kristo pakinggan mo po kami
diyos ama sa langit
diyos anak na tumubos sa sanglibutan
diyos espiritu santo
santa maria
santang birhen puno ng mga birhenes
ina ng grasya ng diyos
tubusin mo na po kami sa dusa
iligtas sa mga disgrasya
nang di alayan ng decenario ng mga kasama
o, diyos ni abraham
hahawakan na namin ang espada ni san miguel
upang di tubuhan lamang ang tabasin
kailan bubutasin ng punglo ang ulo
ng taltumpu't walong milyong pisong kabayo
ng babaing anak ng asendero
para ang espesyal na pulot naman nito
ang lamunin ng hayok naming mga bunso?
posted: Wednesday, April 28, 2010 at 12:59pm
No comments:
Post a Comment