28.8.10
Nang Magpaalam Ka
nnang magpaalam ka
walang luhang pumatak
sa mahamog na damuhan
o isang butil man lamang
na sumanib sa tikatik na ulan
walang hikbing sumalit
sa langitngit ng punong kawayan
walang mapait na ngiting sumilay
sa labing nakakilala
ng mga halik ng dalamhati
isinasayaw ng hanging marahas
ang buhok mong hanggang baywang
di nagdaop ang ating mga palad
di naglapat ang ating mga katawan
sa mahigpit na yakap ng pamamaalam
ngunit nasa mga titig sa isa’t isa
ang muhon ng pakikiisa
sa matagal nang adhikain ng masa
ilang tapik lamang sa balikat
ang ipinabaon ko sa iyo
kalakip niyon ang laksang mensahe
sa iyong paglalakbay patungo
sa malayang bundok na naghihintay.
nang magpaalam ka
di isinaysay ang laman ng puso
di ipinaliwanag ang kapasiyahan
nakapinid ang labi ng mahalumigmig
at lumuluhang madaling-araw
ngunit nag-aapoy ang mga mata mo
para maunawaan ko
ang hagupit ng lintik sa isip
ang daluyong ng dugo sa ugat
na di sa katawan mo lamang nagwawakas
kundi sa himaymay ng laman
ng bawat sawimpalad
ng mga itinanikala sa hacienda
at malawak na kabukiran
ng mga inalipin ng makina
saanmang pabrika at empresa
o ginutay ng inhustisya
ng pambubusabos at pagsasamantala
ng di makataong lipunan
ng di makatarungang burukrasya
oo, di kailangang pabaunan
ng agam-agam o dalangin ng kaligtasan
ang dakila mong paglalakbay
tungo sa mabulaklak na katubusan.
nang magpaalam ka
sinasaluduhan ko ang iyong paglisan
di ko na inaasahang maririnig pa
ang lagunlong ng tinig mo
sa mga lansangan ng protesta
di ko na makikita
ang kumpas ng mga kamay mo
habang idinidiin ang mga punto mo
sa paglilinaw sa nilumot
nang mga suliranin ng lipunan
na humihiyaw ng kalutasan
oo, di ka na makakasalo
sa kantina ng isang platong kanin
at kapirasong ulam
oo, amanda de los reyes
di ko na inaasahang magbabalik ka pa
sa kuta ng pambubusabos
hanggang makulimlim ang panahon
at di pa sumisilay
ang mapulang sikat ng araw sa silangan
tulad nang ikaw ay magpaalam!
( Alay kina Ka. Violy,Ka Lorna,
Ka Viola, Ka.Minda, KA.Filomena,
Ka. Emma at iba pang kasamang
babaeng mandirigma)
Sunday, July 18, 2010 at 9:11pm
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment