28.8.10
Ang Dapat nating Ipagmalaki
Mayron tayong dapat maipagmamalaki
mga Pilipino sa lahat ng dako ng mundo,
na mas malalaki ang ipis natin
kaysa sa mga ipis sa Amerika
kahit masyadong matatangkad
ang mga basketbolista nilang Aprikano
at imported mula Europa at Tsina
at nakakalipad lagpas ng net
ng matataas ng goal ng bola,
Mas malalaki naman at
lumilipad pa ang ipis sa Pilipinas
Nakapasok ito sa mga tainga
at nakakangangang mga bibig
ng malalakas maghilik at
pagod na magsasaka, gumagapang sa
mga paminggalang tuyo at
walang lamang plato
wala ni anumang katas na makukuha
Kung ang mga daga at ipis
ay nagtatago sa mga imburnal
ng LA at iba pang syudad
at lumalabas lamang sa gabi
Tulad ng mga puta
at call boy na nakatambay
sa mga mall ng avenida,
Naglipana naman
ang mga daga sa bukid at parang
ng bayan kong Pilipinas,
nabubuhay sa pagitan ng
mga nupling ng palay at damo,
sa kabukirang kinakatahan
ni Sylvia La Torre at Celeste Legaspi
At nagtatago lamang
Sa takot na makain
sila ng mga gutom
na magsasakang
walang makaing protina sa kanayunan
Naglipana din sila sa mga pook iskwater
at kolonya ng mahihirap
sa ilalim ng tulay at tabing ilog ng basura
at mga basurahan sa kalunsuran,
kapiling ng mga dukha sa karalitaan
nitong huli nga, hinuli na
at ipiniprito parang balang
sa Pampanga na ipinagbibili sa daan
Pero mas marami sila
ang matatabang daga
sa Kongreso pinarami
pa ng bagong dagdag
party-list ni GMA,
unang una na ang
mukhang dagang si Palparan
na nakasalamin pa
at nakahandang kumagat
at sumisip at uminom
ng dugo ng mahihirap
kasama si Colonel Honasan
na nagiipon ng tainga
ng mga rebeldeng Muslim
at Lacson na mahilig
sa mapuputing bellas
at humahanga sa machong
si Erap na hindi para
sa mahirap,
Naroon at kasama din nila
din ang reyna ng maliliit na daga
--ang bagong Kongresista
ng mga dugong asong
sa Batasang Pambansa,
kapiling ang mataba
at matangkad na dagang
mahilig naman sa mga stewardess
at mestisang intsik
kaya nagoperahan sa puso.
Tanging ang malalaking ipis
sa Amerika
ay yaong galing ng Alemanya,
nakaligtas sa pagpuksa
sa mga Hudeo sa mga ghetto
ng Polandia,Warsawa at Liditze,
Krakowa at Buchenwald--
Pulang pula sila
gaya ng mga komunista sa Rusya,
dahil hindi sila mapuksa
ng impaktong Nazi ,
mga kampo ni Hitler
at mga alagad niyang idolo
nila Ermita at Gonzales
at mga obispo at kardinales
ng simabahang kapanalig
ng pandak na daga
na binabasbasan ng mga
banal na pusa at aso
nagkukuta sa mga simbahang
tanggulan ng paniniwalang
ideyalista at luma
Maipagmamalaki
Nating mas malalaki ang ipis
sa Pilipinas kaysa sa Amerika
dahil mas masustansya ang
ating lupa at laman ng tao
at mga bukid at bundok
ng ating bayan,
di tulad sa Amerika na lahat ay ilado
at pinatigas ng yelo
kaya walang sustansya,
nagyelo sa malalaking freezer na
sagana sa kuryente at enerhiyang
hinakot mula sa mga ninikaw
sa mga parang at bundok
ng mga Indian sa hilaga
at malawak na patag
ng mga lawa ng
Amerika’ t Canada
kaya namamayat ang mga ipis
lalo na ang mga nakatira
sa mga apartment
ng mga mahihirap
sa Amerika na sintanda
sangdaang taong hukluban
na at pinaglipasan na
ng ilang digmaang pandaigdig,
dinaanan na ng gyera sibil,
at maraming martsa ng mga alipin
at mga manggagawa...
Kaya nga takot ang mga burges sa ipis
kaya sila nagpipilit na maging malinis
sa mga naglalakihang mansion
sa Beverly Hills, Bel-Air at Marin County,
kaya nagbabahay sila
sa tuktok ng mga bundok,
sa mga gulod tanaw ang dagat
malayo sa kabihasanan ,
nagtititili sila
oarang naputulan ng tinggil
kapag nananakita ng ipis,
malayo at takot
sa mga amoy-pawis
na taumbayan,
habang kasiping
mga mahihirap na Mexicano
sa kanilang apartment ang mga ipis
ganoon din ang mga Pilipinong
hindi na makapaglinis ng bahay
dahil tatlo, apat ang trabaho
ang kinakayod,
daig pa ang kabayong pangarera
Sa Santa Anita at Hollywood
para mabuhay lamang
kapiling ang mga ipis.
Kaya dapat tayong magmalaki
dahil mas marami tayong ipis
Ika nga ni Claire Danes,
“ang Maynila ay amoy ipis
at tahanang ng mga ipis”
Bakit naman tayo magagalit,
Katulad ng kagalang galang na mayor
Na kaibigan ni Pacquiao?
dahil kasama ng nating nabubuhay
ang mga daga at ipis…
Dahil sa huli kapag
tayo ay namatay,
pagpipiestahan din tayo ng daga at ipis
At ng mga uod
kahit na ang mga puntod
ay marmol o nasa lupang hinukay
sa Norte man o La Loma
o sa Loyola sa Marikina
Kasama natin ang ipis
mula pagkabuhay at kamatayan,
Magsaya tayo dahil mas malalaki
ang ipis sa Pilipinas
kaysa sa Amerikang
kahit maraming gatas at matamis na nectar,
di nila magamit.
At nasisira lamang
O tinatapon sa dagat,
Kay saklap naman ng buhay,
mabubuhay at mamatay tayo
kasama ng mga ipis
dito sa Amerika
at sa bayan nating Pilipinas.
Wednesday, June 9, 2010 at 10:01am
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment