28.8.10

NATUTULOG NA PAG-IBIG

May pagkabalisa’y kinakasi’y niyapos,
At ang abuhing mata’y sa antatao’y itinutok
“Silab ng pait ang sa iyo’y umuupos,
Sa aking paghinga’y buntung-hininga ang sagot.

“Kaluluwa ko’y nilagok mo nang buô.
Kinang mo’y akin, sa pagpapakatotoo.
Aking hiyas, sa iyong kinang ako’y lagumin mo.
Magningning, ang batang dugo.

“O aking irog, mukha mo’y tila papel,
Tila bugtong ang inuusal mo sa akin.
Masdan mo, pinagyaman ng himigin
Mga mundong hambog na lumilipad sa hangin.

“Lumilipad, aking giliw, lumilipad
Kumikinang, ang mga bituin, kumikinang.
Tayo na, aking giliw, tungong kalangitan
Hayaang kumawala ang kaluluwang uhaw.”

Tinig niya’y napipilan, naging lubhang bahaw.
Tila diyablo siya, at kanyang tinanaw.
Sinulyap ang aandap-andap na apoy ng ilawan
Ang matang nanlalalim, kumawala sa lalagyan.

“Lason ang ininom mo, aking Mahal.
Dapat matagal mo na akong nilayuan.
Makulimlim, masdan mo, ang kalangitan
Tinampuhan na tayo ng Haring Araw.”

Buong pangangatal, niyapos siyang muli.
Habang sa dibdib, ang kanyang pagkasawi.
Sumikad ang kirot, sa kaibuturan ng binibini
Ang pagpikit ng mata’y walang pagdilat muli.

salin sa Filipino ni Noel Sales Barcelona

No comments:

Post a Comment