28.8.10

Itaas, Iwagayway ang Bandila

 Itaas ang bandila at hayaang iwagaway ito
ng malayang hangin ng mahal na bayan,
ng malayang taumbayan-
ng bayan ko at saan man sulok ng sandaigdigan
sa mga mayhor na syudad ng balyenang imperyalista;
ipinagtanggol ng milyong buhay,
ng magigiting na kawal at taumbayan
di yumukod kailanman sa mga dayuhan

Mula ng iladlad ito sa Alapan at magtagumpay
hanggang sa inangkin ng mga ilustrado
sa Kawit, Cavite, maging balabal ng pighati
at sakripisyo ng mga kinulong pinahirapan
ng mga inutas ang buhay sa plaza ng bitayan,
ng linyang tagabaril ng guardia veterana civil
ng mga indyo'y pendehong Kastila
sa Bagumabayan, Trece Martirez,
Puerza Santiago, Naga at Cebu
at mga kulungan ng imperyong Espana
na pinatalsik ng bandilang wagayway

Dinala ka ng mga sundalong republikano
sa mga duguang trensera ng Kalookan
La Loma, Novalichez at San Juan
isinugod mula Tundo hanggang Azcacaraga
at nawagayway sa nasusunog na Malolos,
Pasig, Pateros hanggang Samar
maging sa primera linya ng Ilocos,
sa San Jacinto at Pasong Tirad,
mga tagumpay sa Cavite, Laguna't Batangas,
San Mateo at Bulacan, Sa Mataas na gulod ng Guadalupe
sa mga pilapil ng San Pedro Makati,
dala nila Sakay, Tinio, Luna, San Miguel
di ka binitiwan sa gitna ng bakbakan,
doon kumain ng alikabok ang mga
mananakop na kano sa gitna ng pukpukan.

Inalagaan ka at kinantahan ng mga dakilang
Jose Palma, Julio Nakpil, Jacinto at
Antonio Luna na ibinalot ng bandila
ang pinaslang na katawan sa Cabanatuan---
at nang sumuko ang nalalabing labing anim
na sundalo ni Heneral Miguel Malwar sa Batangas--
kahit gutay-gutay
ang mga Amerikano ay sumaludo at nagpugay
humanga sa tibay ng mga sundalong nakipaglaban

Kaya ng iibinawal na pagpapakita
sa anumang pagtitipon at pagdiriwang,
sa takot ng imperialista sa simbolo
ng paglaban at katapangan---
at ng payagan, napailalim ito
sa bandilang kano ng panay estrella
tanda ng paghihirap ng bayan
sa panahong kolonyal

Ipinaglaban ka sa gitna ng madugong Bataan.
at kahit isunuko ng mga dayuhan.
dinala at tinaas sa gitna ng kabundukan
ng mga gerilya at boloman--
mula sa mga kweba ng Jones at Kiangan
hanggang Bessang Pass at daang Balite
sinugod ang mga Hapones hanggang magapi ng
lahing magiting na patuloy na lumaban

Ilang aktibista ang namatay at napahirapan
para itaas lamang ang bahaging pula
na ibig sabihin na tayoy nakikidigma laban sa pag-aapi
ng kapwa Pilipinong tuta ng dayuhan?
ilan ang umangkin at ipinipiilit itaas ang bahaging bughaw
na simbolo raw ng kapayapaan?
Ilan ang nalinlang upang itaas ang bandilang ito
sa mga kuta ng mga kababayang rebelde
sa Mindanao upang maging simbolo
ng pambansang pang-aapi?
di ko na mabilang at balak
na bilangin pa ang mga nalinlang

Tunay na tunay
aking sinta, masdan mo ang pulang bandila,
simbolo ng katapangan at kapasyahan
ng bayang patuloy na lumaban
Ang bandilang punit-punit
na sa pusong may hapis,
hayaang iwagayway ito at hampasin ng hangin
at malayang dalhin sa mga malalaking martsa,
sa mga mayor na lungsod ng Amerika--
sagisag ng lahing malaya at diwang dakila,
ng paglaban at diwang palaban
ng mamamayan sa lahat ng dako ng daigdig,
ng Pilipino, ng kasaysayan
at patuloy na makikibaka
hanggang kaamtin ng bayan ang
ganap na magtagumpay
at ang masa.ang uri ay
lubos nang lalaya!

Saturday, June 5, 2010 at 5:37pm

No comments:

Post a Comment