Malayang Salin
ni Rogelio L. Ordonez
Tayo Ma'y Mamatay
(Claude McKay)
tayo ma'y mamatay
huwag parang mga baboy lamang
tinutugis, ikinukulong sa sabsaban
sa paligid, hayok na tinatahulan
ng mga asong nakabantay
hinahamak, marawal na kalagayan.
tayo ma'y mamatay
o, mamatay tayong may dangal
upang mahalagang dugo natin
sa pagpatak di masayang
maging ating mga kalaban
mapipilitang tayo'y parangalan
kahit mga bangkay
na tayong nakatimbuwang!
o, mga kasama
harapin natin ang mga katunggali
marami man sila't talo tayo sa bilang
sa laksa-laksa nilang suntok
isang pamatay-dagok
lamang ang ating kailangan
ano na ang naghihintay
na libingan?
bilang lalaking magigiting
harapin natin
mga berdugo't mang-aalipin
kahit wala nang maurungan
o naghihingalo man
ipamukha natin ang paglaban
tayo ma'y mamatay
o, mamatay tayong may dangal!
No comments:
Post a Comment