1.7.11

Aling Indang, Balo ng Beterano

Aling Indang, Balo ng Beterano

Hukot na hukot,
kuba na ang likod
Patuloy naglalakad
Si Aling Indang nanghihingi ng limos
Sa lahat ng ahensyang nagpapamudmod
“food distribution” kuno
dagdag pantawid gutom sa mga matatanda
at imigranteng inalisan ng welfare
ng gobyerno para daw makapagsarili
at huwag umasa sa pamudmod;
araw araw na ginawa ng diyos
sumasakay si Aling Indang
ng bus paparoon parito
para pumila
at hatakin
sa maliit na maletang de gulong
ang naipong pagkain
para huwag magastos
ang kakarampot na dolyar
na rasyon mula sa gobyernong tingin
sa kanila ay busabos.

Kawawang Aling Indang
Dumating sa Amerika
Kasama ang asawang beterano
Nakipaglaban para sa equity
Wala naming napala dahil patay
Na ang asawa
di sila binigyan
Balong naiwan,
Naiwan ang mga medalyang
Nasa ibabaw ng tokador,
Hindi naman makain
O mapaipagbili
Kaya araw-araw
Pumipila si Aling Indang
Para mag-ipon ng delata
At nakasupot na pagkain,
Ang iba ay expired na
at kayang itinatapon
pabigat pa sa hatak hatak na maleta.


Sabagay mas mabuti si Aling Indang
Kaysa sa mayayabang na Pilipino
Ayaw na ayaw pumila at humingi
Dala ang yabang minana sa mga Kastila
Mas mabuti pa raw magutom kaysa pumila tulad
Ng mga Eme o latino
Na umaasa sa gobyerno
Mga mataas ang ihi ngunit pango ang ilong.

Araw-araw nasasalubong ko
Si Aling Indang sa kanto
Bago ako pumasok
At sa paguwi sa bahay
Kailan kaya siya titigil
Sa pagpila tulad ng maraming
Nalalabing beterano
at matatandang Pilipino
Sa  Amerika?

Ewan ko,
alam kung kapag tumigil
Siya sa pagpila
mawawala na siya sa mundo
Tulad ng mga beteranong tumigil
Lang sa pagrarali at paglalakad,
maging sa pagpila sa pagkain
ng pantay na ang kanilang mga paa

ApG

Hunyo 24, 2011

No comments:

Post a Comment