1.7.11

Kalahating Pisngi ng Langit

Tula

Kalahating Pisngi ng Langit

Mula sa malalim na lambak
Natatakpan ng lilim ang mataas na burol
Sinisilayan ng pulang silahis ng araw
Ngunit tinakpan ang kalahati ng langit
Nagsisilbing pisngi ng langit
Tipid ang ngiti sa umagang dumaratal
Nangitim sa dami ng tropang pasistang
Umukopa sa taas nito
Mistulang higanteng kumot na itim
Sa kalbong tuktok na wala
Man lang puno sa kaitaasan.
Akala nila sila ang panalo
Dahil nasa itaas sila at buong yabang
Na nagpaputok para ibando
Na sila ang nasa itaas.
Ngunit ang yabang nila ay napalis
Dahil gumapang na pala
nang maingat at unti-unti
Paakyat ang mga mandirigma ng bayan
Lihim na kumilos
sa likod ng  mga kubling puno
Hanggang malantad malapit sa tuktok
Saka sumugod sa likod ng malalakas na putok
Napalis ang ngiti sa kapirasong langit
Lalo nang kumapal ang malalakas na putok,
Ang hindi inaakala ng kaaway
Ay hindi susugod ang mga nasa ibaba
Sino bang baliw ang susugod
Sa kaaway na nakaposisyon sa itaas?
Kabaliwan”
Mukha nga.
Ngunit ang imposible ay naging possible
Dahil sumugod sila ng palihim
Sa likod ng mga puno, matataas na damo
At mga maliliit na punong kahoy
Kaya bago magtahanghalian
Umaatikabo na ang labanan,
Kayat habang sumusugod ang isang pulutong
Rumerepeke ang mga masinggan, M79
At mga automatic para coveran ang pagsalakay
ngunit gumanti ng putok ang mga mortar,
umalalay ang mga kanyon mula sa malayong
kampo ng kaaway malapit sa bayan
sa kabila ng Ilog Pinacanauan;
bumanat ang mga M60 masingan,
umalan ang mga bala ng armalite
ngunit patuloy na sumugod ang mga gerilya ng bayan:
At ang impossible ay naging possible,
Napatakbo ng isang kompanyang gerilya
Ang halos laking batalyon
Sa mataas na burol ng Debuluan—
At mula noon
ito at naging alamat ng bayan,
Nang makuha ng mga gerilya
At itinaas ang bandilang pula,
Sa kalahating pisngi ng langit—
Ang burol ng Debuluan
Noong tag-init ng 1989,
Sa saliw ng umaatikabong putok
Laban sa mga pasistang kaaway!

J. Luna
Hunyo 25, 2011

No comments:

Post a Comment