23.3.12

Bagbag

Tula
Marso 16, 2012

Bagbag

Kapag namulaklak ang puno ng  Bagbag
Kailangang maghanap ng puputuling ulo
Ang mga mandirigmang Ilongot para ialay sa liyag.

Kapag namulaklak ang Bagbag,
Papasok na ang tagsibol sa Amerika,
Senyas sa pagpasok ng tag-araw.

Tulad ng sa Pinas, pulang pula ang bulaklak
ng Bagbag habang kayumanggi ang dahong
dating lagas na mabilis na nagsisitubo.

Labinlimang tag-lagas ng Bagbag
Sa Amerika, lalong nagmumukhang Maynila
ang LA sa dami ng lubak sa kalsada

Dumarami ang nagtitinda ng sa malamig
Sa mga kanto at nagluluto ng tostada
Pagdating ng napakalamig ng gabi.

Paparami ang mga pulubi
Na natutulog sa kalsada
Hindi na sila sinisita ng mga pulis

Puno ang mga pagtitipon
Habang bumibigkas ng “spoken word”
Ang mga Ingles na makata

Putok ang mga nite club
habang lasing na nagsasayawan
ang mga kabataan at may perang parukyano.

Dumarami ang nagsasayaw sa FACLA
Habang masaya akong nagmamasid
Sa mga walang sawang mananayaw.

Masarap uminom ng black label
o corona sa pagitan ng mga pulutan
habang nagbibidahan ang mga binata.

Matapos ang panonood
At ilang oras  sa  facebook,
Muli babagtasin ang kalsadang mag-isa.

Muling pagmamasdan ang Bagbag,
Nagkakadahon at mamumulaklak
Sa ikalabinglimang taon ng distiyero sa Amerika.

Al P. Garcia

No comments:

Post a Comment