ANG TAGUMPAY SA EHIPTO, TAGUMPAY NG MASANG NAKIKIBAKA
“ Ang tagumpay sa Ehipto ay tagumpay ng pakikibakang masa!
Ipinagbubunyi ng masang Pilipino-Amerikano dito sa Estados Unidos at ng progresibong sector na kinakatawan ng Alliance-Philipines ang tagumpay ng masang Ehiptyano sa pagpapatalsik sa diktador na si Mubarak at ng kanyang grupo.
Ang lahat, sa lahat ng dako ng US at ang buong mundo ay may marudbdob na pagbati sa lahat ng masang nakibaka sa Ehipto, sa labas ng bansang ito at sa mga grupong nakiisa at sumuporta sa pakikibaka nila
Lubos na hinahanggaan at nagpupugay ng lahat ang katatagan at katapangan ng masa sa Ehipto at sa kanilang pakikibaka sa loob ng 18-araw na walang puknat para igupo ang diktadurang nagpahirap at nagpasamatala sa kanila sa loob ng mahigit na 31 –taon.
Marcos at Mubarak
Katulad ni Marcos ng Pilipinas, napilitan siyang tumalilis ng magpasya ang US at ang military na siya ay alisin na sa pwesto. Sa totoo,lang, isang huling saglit na kudeta na utos ng US at tulad ng pag-aalsang masa ang nagpalayas kay Mubarak na kapit-tuko sa kapangyarihan.
Tulad ni Marcos,at Estrada ng Pilipinas hanggang sa huli kapwa sila na nagmamayabang na mananatili sila sa pwesto. Ngunit wala rin silang nagawa nang magsumigasig pa ang masa ng Ehipto na siya ay sibakin sa pwesto.
Walang tigil na paligiran ng masa ang palasyo, ang mayor na istasyon ng media ng gobyerno, ang mga minesteryo ng tanggapang panlabas at winasak ang halos lahat ng istasyong ng pulisya sa mga mayor na syudad ng Ehipto.
Hindi lamang sa Cairo naganap ang pag-aalsa. Halos lahat ng probinsya at mayor na syudad mula Cairdo. Alexandria at Suez, milyong masa ang nagpakita ng pagkasuklam, itinaas ang kanilang mga sapatos tanda ng labis na pagkamuhi sa diktador sabay sigaw; “ALIS NA!”
At dahil dito napilitang umalis ang palalong si Mubarak at ang kanyang mga alagad.
Hindi pa tapos ang laban
Ngunit hindi pa tapos ang laban. Nanatili pa rin ang kontrol ng militar na kontrolado ng US. Gayunman mas maganda na ito kaysa sa diktadurang nagpahirap sa Ehipto ng 30 taong singkad. Nasa kamay na ng masa ang pagkakataong baguhin ang kanilang kapalaran. Simula ng pagbabago ang kanilang tagumpay.
Maalalang pumalit si Mubarak sa napatay na lider na si Anwar Sadat na pinaslang noong 1981. Mula noong wala nang iba pang naganap na eleksyon sa Ehipto na hindi kinontrol ni Mubarak. Aalis siyang pwesto na may kurakot na aabot sa 40 bilyong dolyar. Nakaw sa kabang yaman ng bayan.
Kahalintulad ng EDSA 1 at 2, umaasa ang masa ng Ehipto ng makabuluhang pagbabago. Kung mabibigo sila tulad ng nangyari sa mga Pilipino noong 1986 at 2001, umaasa kaming hindi sila manghihinawang makibaka para sa sarili nilang kapalaran at tungo sa mas makabuluhang pagbabago.
Ang naganap na pagbabago sa Pilipinas ay panumumbalik lamang ng mga institusyong burges at hindi naging makabuluhan sa masang Pilipino. Lalo lamang nalugmok sa hirap at pagdarahop ang masang Pilipino mula noong 1986.
Ang anumang rebolusyon ay isang pagdiriwang ng pakikibaka ng masa. Isang makabuluhang pangmasang pagsisikap na tutungo sa hangaring kanilang minimithi at hinahangad. Hindi man ito matupad sa una, lagi nang maririyan ang pagkakataon at patuloy lamang silang makibaka, ito ay matatamo nila
Muling pinatunayan ang sinabi ng isang dakilang rebolusyonaryo; “Ang masa, ang masa lamang ang lumilikha ng kasaysayan.”
Sa taumbayan ng Ehipto, sa mahigit 300 daang martir nag-alay ng kanilang buhay at nagbuhos ng dugo sa lahat ng dako sa loob ng 18 araw, kami ay nagpupugay!
Sa lahat ng dakilang kababaihan at magigiting na lalaking nakibaka para matamo ang tagumpay, saludo kami sa inyo at hangad ang higit pang tagumpay!
Mabuhay ang inyong pakikibaka! Mabuhay ang Ehipto!
NANGAHAS KAYONG MAKIBAKA, NAKAMIT NINYO ANG TAGUMPAY!
No comments:
Post a Comment