24.5.12

“American Idol” ng mga Puti

Sanaysay
Mayo 25, 2012

“American Idol” ng mga Puti

Ni Arturo P. Garcia

Magsasabi ako ng totoo. Itinuturing ko ang American Idol bilang isang bersyon ng “Hunger Games.”

Hindi ako nanonood ng American Idol, una dahil ito ay isang palabas ng rasistang istasyon ng media na Fox- na tinig din ng mga Republikanong anti-migrante at laban sa mga mamamayang may kulay at hindi puti.

Nagpapasalamat nga ako at nasa eroplano ako at di napanood ang resulta. Nalaman ko lang ito pagdating ko sa LAX at lumabas ang lahat ng mura sa lahat ng wikang alam ko sa galit.

Siyang tunay na hindi pa handa ang Amerika sa isang Asyano, babae at isang Pilipina.

Malalim talaga ang ugat ng rasismo at nagtagumpay nagwagayway ang bandilang Confederate ng Georgia. Sino ang magsasabing tapos na ang gyera sibil sa Amerika matapos ang 150 taon ng di umano’y tagumpay ng Unyon?

Kayat inaasahan ko nang hindi mananalo si Jessica, kahit na puno ng pag-asa ang mga kapwa Pilipino. Hindi ko sila sinasala sa kanilang pag-asa. Dahil alam ko namang matututo din ang mga Pilipino sa kanilang madugong karanasan sa rasismo ng Amerika.

Sa halip napuyat pa nga ako sa pagboto kasama sa isang “voting session”sa Virginia kasama ang mga Pilipino sa Maryland at Virginia. Kasama akong pumalakpak sa magandang pagpapakita at pagkanta ni Jessica. Napatunayan ko ang kasabihang lagging sinasabi ng aking ama: “The singer not the song.”

Maraming nagsasabi na na sour grapes daw ang reaksyon natin. Natural lang yon lalo na at alam at napatunayan mong rasista pa rin ang Amerika. Dapat nga hindi American Idol ang show na ito. Dapat palitan na nila itong “White American Idol.”

Pero hindi si Jessica ang nawalan kundi ang Fox at American idol ng ipakait nila ang karangalang ito. Ito ay dahil siya ay Pilipina at Asyano.Nabubuwist lang ako sa sweet lemon reaction ng marami lalo ng mga nasa gobyerno ng Pilipinas at mga artistang maka-Amerikano. Panalo parin daw si Jessica, kahit natalo.

Ang talo ay talo. Kahit ano sabihin mo talo pa rin. “Bagoong and Talong. Kamatis at bagoong” sabi nga ng mga bata! Panumbat sa mga talunan.

Kitang kita nakayuko si Philips dahil alam niya sa puso niya na bagamat siya ang American Idol, si Jessica ang idolo ng masa at madla.

Diyan naman ako bilib sa mga tunay na Amerikano, sila ay tunay at tapat( honest) at hindi pretentious. Di tulad nating Pilipino na nagmana sa mga among Kastila, inaapi na nakangiti pa rin at nagpapasalamat pa sa singhal, bugbog at alipusta ng among asendero.

Sabi nga ng isang Pilipinang tagahanga ni Jessica; “Suportado naming si Jessica, dahil pagtumindig siya at umawit, dala niya ang bansang Pilipinas. Hindi siya nagiisa. Tangan niya ang bandila ng Pilipinas.”

Sa mga mapaklang lemonadang lalo na ang mga sipsip pa rin sa Amerika, dina kayo nadala. Sinabi na nga ng Amerika na hindi siya makikialam sa laban ng Tsina at Pilipinas, asa pa kayong susuporta ang mga puti sa atin. Mga hanggal! Mga isip-tuta talaga!

Tapos pupurihin pa ninyo si Jessica, bilang tunay na American Idol, talo na nga, pwe!

Nagpapasalamat pa rin ako sa palabang diwa at makabayang damdamin ng lahat ng Pilipino sa Amerika maging sa ating inang bayang Pilipinas. Saludo ako sa inyong lahat.

Hindi man tayo tanggap ng rasistang Amerika, patuloy tayong makikibaka para makamtan ang tunay na pagkakapantay-pantay.

Tulad ng iba pang mamamayang may kulay ( people of color), alam natin mahaba pa ang ating lalakbayin.

Ang pagkatalo ni Jessica ay isang patunay na marami pang hadlang sa ating layunin.

Ngunit inspirado pa rin tayo ng batong pananda ni Martin Luther King Jr:

“Injustice anywhere is a threat to justice everywhere.”

Mangahas Makibaka, Kamtin ang Tagumpay!

No comments:

Post a Comment