23.9.11

“Huwag Kang Mag-Iwan ng Kalat”

Tula

“Huwag Kang Mag-Iwan ng Kalat”

“Huwag kang Mag-Iwan ng Kalat”;
mahigpit na bilin ng lahat ng tirano
At lider na nagdiyus-diyosan,
Daang taon na ang lumipas
Ngunit palagi
Kahit man pilit pagtakpan
Ang mga nakasulat na kasaysayang
Sinulat ng mga ulupong at bayaring
Manunulat upang pabannguhin
Ang mga sukab na nagpatayo
Ng mga sariling rebulto,
Nagpangalan sa mga kalsada,
Mga gusali at paaralan
Sa kani-kanilang bayan.

Palagi na ang kalat na ibinaon
Ay sumingaw at umamoy
Pagkaraan ng maraming taong
Nalibing sa balag na pagkalimot
Dahil may mga taong nakasaksi,
Nakaalam at nagsiyasat
Para mahanap ang katototohan.
Kahit ilang taong nanahimik
ang mga saksi at nakaalam
Dahil sa takot at pagkahiya
Sa pangamba na mas maraming
Mawala sa kanya at sa pamilya

Hindi ba nag ipapatay ni Aguinaldo
Si Bonifacio tinakpang pilit
Ito ng mga taksil at palamarang
Nagkanulo sa Supremo?
Pinalalabas pa nilang nagbalak
Ng masama ang Supremo
Kayat kailangang patayin?
At diumano hindi uamabot
Ang pagpapatawad
Nang mabunying Presidente?

Hindi ba’t nang paslangin si Heneral Luna
Mabilis na inilibing ang bayani
At walang nakasaksi kundi ang mga kawal
Na duwag lumabans a mga dayuhan
Ngunit mabilis pumatay ng kababayan?
At ang ginawang dahilan ay marami
Daw kagalit ang Heneral para
Pawalang sala ang Presidente?


Nang pasalangin ang Senador sa Maynila
Hindi ba’t pinaslang din kaagad
ang diumanong salarin?
Nagsagawa pa
nang mahabang imbestigasyon
Ang komisyong ikinakunsumi
Ng mga mamamayan
Dahil pinawalang sala ang mga may sala.
Kayat hanggang ngayon ang mga kaanak
Ng naging Presidentita
maging ang kanyang unico hijong Pangulo
Ay di pa makahanap ng hustisya
mahigit 25 taong na ang nakakaraan?

Ngunit laganap pa rin
ang mga kalat na naiwan
Ay talamak at alam ng madla
Dahil ang mga utak
ay opisyal pa rin ng gobyerno.
Nasa Kongreso at nagmamagaling,
ang mataray na byuda at mga anak nito,
Laman ng pahayagan at media,
Nakakapagsalita ng malaya
Tulad ng panahon nila noon
Na mahusay ang batas militar
Para sa Pilipinas;
At patuloy na nagpapasasa
Sa karangyaan at luho
Kasama ng mga naging biktima
Ng maluklok sa kapangyarihan
Ay nalimutan nang magawad
Ng hustisya dahil pareho silang
Naghaharing uri?

"Huwag magiwan ng kalat"
Ngunit ang kalat
Ay likas
dahil ang bawat pagpaslang
Ay tigib ng pagkalat ng dugo,
Nang timasik ng laman
Ng utak o ng katawang
Tinagos  ng bala o taga ng tabak,
Laging mag-iiwan ng bakas,
Kahit ito ay tumagas sa lupa
O ibaon sa malalim na libingan,

Kahit sunugin ang bangkay
At walang iwang labi
Tulad ng ginawa ng mga Belgian
kay Patrice Lumumba ng Congo,
Andres Bonifacio ng Pilipinas.,
Kay Hannibal ng Roma,
Kay Che Guevarra sa Bolivia,
Kay Kapitan Tomas Sankara
ng Burkina Paso
Sa takot nilang
bumalik ang kaluluwa ng namatay,
Hindi ba’t winasak nilang Cartagena,
Sinabuyan ng asin ang Masada,
Sinunog ang syudad ng Vienna
At Changsu sa Tsina,
binomba ng tubigpara alisin
ang dugo sa Plaza ng masaker sa San Salvador,
Sa Mexico at Kwangju,
Upang maalis ang bakas
ng dumaloy na dugo at laman
mga lumaban sa kanila
Tulad ng mga Kastilang
Nagwasak sa mga libingan ng mga antio
Upang itayo ang mga simbahan
Na may edad ng kung ilang daan taon
Katulad ng pagsawak ng mga Amerikano
Sa libingan ng mga Indyan?

Dahil kahit magsinungaling
Itatala ito sa kasaysayan
At hahalukayin,
Kahit wisakan ng mamahaling pabango,
Isuob sa mausok na isensyo,
Magtayo man ng mga bagong monumento.
Magtayo ng mga bagong syudad
Mula sa guho ng pagwasak,
Isulat ng mga manunulat
Tulad nila Agoncillo, Quijano De Manila,
At sinumang hijo de putang nabayarang
Iskribyente lokal man o dayo,
Lalabas din at lalabas kung
Ano ang totoo.
Hindi mailigpit
Ang kalat dahil kahit ang basag
Na salamin -- mabubuo rin
At mula rito ang kislap
Ng katotohanan ay mananaig
Kahit anong sabi at ingat
Bilinin ang mga salaring
huwag magkalat
At gawing malinis
Ang krimen,
Walang bahong hindi sisingaw,
Walang apoy na hindi uusok
At walang lihim na di mabubunyag.


apg
Setyembre 22, 2011

No comments:

Post a Comment