TULA
Ipagtatayo Ba Ako Ng Bantayog?
Bumulong ang matandang Heneral
Sa Pangulo noong Hunyo 12, 1962
Sa Luneta noong ideklara ang pagpapalit
ng araw ng kalayaan
dahil naiingit ito
sa malaking bantayog
Ng dakilang bayani ng mga Amerikano;
At idinikit nito ang bibig sa tainga
Ng Pangulong nagpapanggap na makabayan:
“Ipagtatayo mo ba ako ng bantayog
Katabi ng Dr.Jose Rizal dito sa Luneta?
Nagpatay-mali ang dating mahirap
Na Kapampangan at wari’y kinilabutan;
Kahit paano alam niya ang kasaysayan,
Sino ba ang unang nandaya sa eleksyon
Sa Tejeros at tinaghal na pangulo?
Sino ba ang nagpapatay sa Supremo
At kunwa’y binawi ang utos nito
Na paslangin ang magkapatid na Bonifacio?
Sino ba ang sumuko sa mga Kastila?
Para magpatapon sa Hongkong
At magpaloko sa mga Amerikano
Na nagkunwang kakampi ng mga Pilipino?
Sino ba ang nakinig sa mga Ilustrado
Nakipagkompromiso sa mga Amerikano
Habang nakikipagdigmaan sa mga sundalo nito?
Sino ba ang halos mamatay sa selos
Sa kahusayan ng sariling Heneral
At nagutos na paslangin ito sa Cabanatuan
Sa gitna ng digmaan,
Sino ang nakinig sa mayayamang duwag
at mapaghangad ng kapayapaan
at sumisante sa mga anti-imperyalistang
tulad ni Mabini at Ricarte?
Sino ba ang tumakbo ng tumakbo
At sa bawat hinto ay nagpapasayaw,
Nagpapakarera ng kabayo,
Nagpipiging at nangangarap
Na magwawagi sa labanan mula sa malayo?
Sino ang sumumpa ng katapatan
Sa Amerika at tumanggap ng pensyon mula dito?
Sino ang tumakbong president kahit ilang ulit natalo?
Sino ang kumampi sa mga Hapon
At nanawagang sumuko ang mga sundalo sa Bataan?
Sino ang yumaman at nagtayo ng sariling monument
Dahil siya diumano ang Unang Presidente,
Kundi ang El Presidente na tinatawag
Ni Quijano De Manila at ng mga sipsip
Na historyador na “Mi Presidente?
Hindi lang nangilabot si Cong Dadong,
Hindi niya pinansin ito bagamat nagpugay
Sa kapwa niya presidenteng ulyanin
Na’t nangagarap ng gising?
At marami ngang bantayog niya ang naitayo,
mula sa siya mamatay
" natanda sa katandaan
at naghirap dahil sa dami ng kasalanan"
ang nanguuyam na tinuran
ng ordinaryong mamamayan;
Pangunahin sa Kawit, Cavite
sa aharap ng kanyang bahay..
At sa Kampo na nasa kanyang pangalan,
sa gitna ng Quezon City
Punong himpilan ng mga Pasistang
sundalong nagmana sa kanya,
Ngunit hinding hindi siya ipagtatayo
Ng bantayog ng masang Pilipino
Na dumudura sa kanyang kaimbihan—
galit sa kanyang mga pagpaslang,
suklam sa kanyang kagaguhan,
gulat sa kanyang katangahan,
Ang diumano “George Washington
Ng Pilipinas” ang sabi ng ilang nababaliw
Na manunulat na kasaysayan.
Alam ng masa kung sino ang tunay na bayani,
Hindi ang isang tampalasang
Mapagkunwari at kabilanin
Katulad ng Heneral.
Hulyo 31, 2011
***********
No comments:
Post a Comment