Sa Boda ni Madam Miriam
Sa engradeng boda ni Miriam
Sa ikaapatnapung taon nilang kasal
Magkita-kita ang mga kilala at tanyag
Sa alta sosyedad para saksihan
Ang magarang kasal sa katedral
Na pinagasiwaan ng kardinal
Nagsermon laban sa diborsyo at
Pagbabawal sa pagpigil sa pag-aanak
Sa loob ng kanyang marangyang simbahan,
Sa kasal ni Madam umagos ang pagkain
sa hapag kainan:
salad na pinausukang hipon,
krema ng zucchini,
minatamis na guyabanong sherbet,
inihaw na salmon
at lomo ng bakang Ausralyano
na binalutan ng taingang daga,
at saging na may halong walnut parfait
habang mapait ang buhay
ng mga patay-gutom sa labas ng simbahan,
naglipana ang mga palaboy na walang makain.
piniprito maging ipis,
kinakarne ang mga daga at pusa
habang nagpipiyesta ng mga naghaharing uri
sa magagarang hotel at katedral--
karangyaan sa gitna ng kahirapan.
habang nagkakaskasan ng mga siko
ang mga bilyonaryo at mga sikat
na nagpahirap sa bayan:
andoon ang mandarambong na si Imelda, Erap,
Danding Cojuanco at mga bilyonaryong
Kaibigan ni madam
nagpataasan ng ihi
at nagyabang sa harap ng madla,
nagpapasikat ng kanilang mga alahas-
ng kanilang karumaldumal na karangyaan,
humanga ang mga nasa media,
Walang inilabas sa diaryo kundi
Papuri sa ringal ng kasal at piging;
Nadoon din ang Pangulong
nauubos na ang buhok
nagsasabi ng “tuwid na daan”
habang baku-bako ang mga kalsada,
Binabagyo at binabaha ang masa,
Walang makain
At namamatay ng dilat ang mga mata;
Masaya ang piging ni madam,
Habang malakas ang ulan at bagyo
Sa labas ng katedral,
Nagbabadya ang sama ng panahon,
Kaya sige magdiwang kayo
habang wala
Pa ang bagyo na tatapos sa inyong paghahari,
Pagkatapos nito.
Ewan ko lang kung
Saan kayo pulutin
Pagsabog ng bulkan
Ng pagbabago.
A.P.Garcia
Hunyo 23, 2011
No comments:
Post a Comment