Mga Huling Hakbang
( Paalam kay Mang Peping)
Inihatid ka naming sa altar,
Kami ang iyong mga kasama
Sa pakikibaka,
ngunit iilan na lang kami
Na nagsimula nito,
Ngunit nakatutuwa na puno
Ang simbahan mula likod
Hanggang altar,
Maiikli ang mga yapak nila…
Sila na mga kawal at gerilya
“Pinadakilang henerasyon” ng Amerika…
Mga bayani ng Ikalawang Digmaan,
At pakikidigma para sa “Equity”…
Hindi na sila makapagmartsa,
Wala na ang dingal at tikas
Dahil hutok na ang mga likod,
Pagod na ang mga paa,
Hindi na makahinga ang ilan,
Ngunit kailangan maihatid
ka kahit man lang sa altar.
Hindi ito ang dambana ng kagitingan
Na iyong dinalaw dalwang taon
Na ang nakakaraan,
Ang dating bundok na ipinagtanngol
Sa Bataan
Ngunit para isuko lamang,
Dahil sa utos mga mabunying
Puting heneral
Na walang kayang ilaban,
Hindi kayang ipagtangol
Ang Bataan dahil hindi nila
Ito inang bayan.
Ngunit walang dangal ang pagsuko
Kaya Death March ang inabot
Ng mga talunan,
Naligtasan mo ito
Kahit lumakad ka ng
Mahigit daang kilmetro
At nabilanngo sa Capas
At nailistang patay kahit buhay,
Maikli ang iyong hakbang
Ngunit tiyak
Dahil patuloy kang lumaban
Ngunit hindi ito ang iyong
Huling mga hakbang,
Mas malalaki pang hakbang
Ang iyong hinarap sa kapayapaan…
Ipinaglaban mo ang iyong karapatan
Agn karapatan ng iyong lahi,
Ang iyong mga kasamahan,
Kapwa beterano at kababayan
Na hindi pala beterano ng Amerika
Kayat ayaw bayaran at parangalan.
Humakbang ka mula daang Temple
Hanggang sa Kapitolyo ng Amerika,
Sa mga kalsada ng LA at Sacramento,
San Diego Utrecht at Amsterdam,
libong mga picket at rali,
Sa mga kampanya sa eleksyon,
Pagrehistro ng mga botante,
Para maitaguyod ang karapatan
Ng pamayanang Pilipino-Amerikano.
Sa mga huling hakbang
Mula sa simbahan hanggang
Sa iyong paglalagakan,
Hinatid ka naming Mang Peping,
Faustino Baclig—guro, kasama,
Commander, lider ng mga beterano,
ng komunidad at ng Pilipinas,
ng Amerika…
Isang huling saludo,
Pugay sandata!
Pagpupugay…
Ang huling utos sa kanila:
“Tikas pahinga”.
At PAALAM!
Marso 05, 2011
No comments:
Post a Comment