Tula
Magkabilang Dulo
Iba’t iba ang puno at dulo,
Bumayo ang matinding lamig
Mula Artic patimog
Nanginig sa lamig ang Gitna at
Silangang Amerika,
Tinabunan ng yelo
Ang lahat ng dako:
14,000 na lipad
Ang di nakaangat sa lupa,
Tigil ang transportasyon
Natuwa ang lahat dahil
walang pasok
Sa kabilang dulo, rumagasa
Ang tubig-baha,
Natibag ang mga bundok,
Delubyo sa Australia at India,
Maging sa Tsina at Indonesia,
Nagpuputukan ang mga bulkan:
Samantalang sa Pilipinas
Pinatigil ng Pangulo ang logging
Para huwag daw mapanot ang gubat
Habang walang tumutubong buhok
Sa kanyang panot na ulo.
Doon naman sa Ehipto
At sa Silangang Dulong Asya,
Sampung araw na walang tigil
Ang protesta kayat araw
Ay naging gabi
Sa Jordan, Yemen at Sudan
Ang masa ay nagbabangon
Laban sa mga paghahari
Ng mga bagong paraon,
Hari at reynang
Puno ng kupal at panghe
kahalo ng mira at pabango.
Sa magkabilang dulo ng mundo
Ang kalikasan ay gumaganti;
Habang ang masa ay nagbabangon
Sa daan taong pagkaapi.
Pebrero 3, 2011
No comments:
Post a Comment