Tula
Hindi
Al P. Garcia
Hindi ako iibig sa babaing puti
O sa may buhok na olandes
Gaya ng buhok ng mais,
Kahit ito may pula o kasingitim
ng pusikit na dilim,
Hindi ako matutulad sa mga Pinoy
Na nahibang sa mga mestisa;
Dahil sa matagal na pagsamba
Sa mga rebulto ng mga diyus-diyusang
Birhen ng kung anu-anong lupalop:
Birhen ng Antipolo, Piat, Guadalupe,
Manaoag, Penafrancia,
at kung anu-ano pa,
mga birhen ng mga birhenes
liban siguro sa mahal na birhen
ng Calumpang o Culiculi;
na hinugis mula sa mga dayong
birhenes ng Fatima at San Bernadita,
Santa Teresa de Avila at mga santo
ng agua de pataranta.
Tulad din nga pagsamba
ng mga baliw na kabataan
Sa mga artistang puti;
na may matang pusa
o bughaw na mata
sa mga bagong artistang
galing Amerika
o kung saan lupalol
bulol pa rin managalog
hanggang ngayon.
Dahil hindi ako rasista,
Hindi ako nabubulag sa gandang dayo,
Kahit na sa mga Asyanong
Mahilig uminom ng tsaa
O kaya malibugan sa mga artistang
Nililinang ng ABS-CBN o GMA
Galling sa ibang bansa
maging galing sa Espanya
Alemanya o naging Miss universe
tulad ni Venus Raj,
Na mga nalahian ng mga Pinoy at Pinay
O nagsipunta sa Pinas para sumikat
Sa telebisyon at pelikula.
Bagamat humahanga parin
Ako sa kagandahan,
Naniniwala ako na ang ganda
Ay nasa mata ng tumitingin
At humahanga
Naalis ko na ang kolonyal at pyudal
Na pagsamba sa anumang dayo
Naniniwala pa rin ako
Na ang tunay na ganda
Na nilinang ng araw at bukid
Ng hirap at pagod
Ng simpleng paggawa
At hindi nang anumang kolerete
O pabangong galling sa ibang bansa.
Nasanay ako sa amoy ng gugo
at kalamansi,
amoy ng buhok mga nag-alaga sa akin,
na linahukan at lalong pinabango
ng langis ng niyog,
katulad ng baby oil para sa sanggol,
amoy ng kababaihan sa kanayunan,
na maging galing sa araw
sa maghapong gawain sa bukid,
ay maliligo para maglinis ng katawan.
Doon pa rin ako sa gandang Pilipina,
Dito sa Amerika at doon man
Sa aking bansa
para sa akin
ang babaing Pilipina
pa rin ang tunay
na larawan ng ganda.
************
No comments:
Post a Comment