30.1.11

Awit ng Potomac


Awit  ng Potomac

Ilog ng kasaysayan
Daluyan ng katapangan
Ilang ulit na tinagos
Ng mga hukbo sa kasaysayan
Tulad ng Ilog pasig ng Kamaynilaan,
Sakop ng tatlong estadong
nag-aagawan:
Waring perlas ng kapitolyo
Ng imperyalistang bayan
Inagaw sa sinapupunan
Ng ninunong Indyan

Hindi nawawala ang ringal
Ng ilog na makasaysayan
Kahit na daang taong lumipas
At ang dugong tumagas
Tinangay na ng agos
Na naglagos sa baybay
Sa anino ng Kapitolyo
Na sentro ng daigdigan
Ang paghanga ay naroroon
Tuwing dumaraan
Patawid ng daan

Ang puno niya ay Maryland
At timog ng Virginia
Tulad din ng Pasig
Nagmumula sa Montalban
At malaking lawang Laguna
Nagiiba-iba ang pangalan
Ngunit ang daloy Manila Bay
Ang kagampanan

Wala na ang bakas
Ng digmaang sibil
Na umagos, tumagas
Sa mga batuhang landas
At pampang naganap
Saksi ng madudugong
Labanan ng lumipas
Ang naiwan ay galit,
Pighati  hanggang ngayon
Bakas na bakas

Ang galit sa pagkawal
Diumano ng pang-aalipin
Nanatali laban sa imigranteng
Dumating
Bagamat ang bandila ng union
Ay nakataas at magiting
Ang konpederasyon
Ay buhay sa mangaalipin

Kailan kaya matatangay
Ng agos  ng Potomac
Ang galit ng lumipas,
Mabubuo ang pagkakapatid
Sa kontinente ng maraming bayan
At nasyunalidad?
Kung tuyo na ang Potomac
O nagyelo na ang lahat?
Kung natuyo na ang disyerto
At kalansay nang lahat?
Kung abo na ang Kapitolyo
At tunaw na ang nakalipas.

Oktubre 17, 2010

No comments:

Post a Comment