27.1.11

Ang Drama ng “Sigwa”

Pagsusuri 
January 24, 2011

Ang Drama ng  “Sigwa”

Puno ang Alex Theater  ng Glendale nang manood ako ng “Sigwa sa America.” Hindi karaniwan ito dahil may tatak pulitika ang pelikula.

Natutuwa ako dahil napuno ang sinehan. Hindi karaniwan ito dahil iniiwasan ng mga tao ang mga usaping pulitikal. Ngunit maraming tao, marahil dahil mahusay ang outreach o dahil sa maganda ang pelikula.

Ngunit ayon sa nagpalabas nitonang magpaliwanag ito, nais lang nilang ugatin kung bakit tayo napunta sa Amerika. Sinasagot nga daw ng palabas na ito kung bakit maraming nagnais mangibang bansa lalo na sa panahon ng diktadurang US-Marcos.

Ang pelikula ay isang paglalarawan kung ano ang naganap sa panahon  na tinatawag noong “First Quarter Storm of 1970”. “Ang Sigwa ng Unang Kwarto”, sa  Tagalog.

Kaya  Sigwa, tang titulo ng pelikula.

Pinaksa nito ang buhay aktibista noong FQS. Ngunit lumawig ng husto ang pagtalakay sa karanasan at buhay ng mga aktibista. Lumigwak ito sa hanggang sa panahong martial law at maging sa kasalukuyang. Pilit nitong sinakop ang lahat ng panahon mula 1970  hanggang 2009.

Dahil dito, kahit gustong pagtahi-tahiin ng manunulat at director ang paksa,sa tingin ko,  nawala ito ng kapangyarihan at ang pokus nito at nauwi sa isang mumurahing drama ng mga personahe tulad ng obrang “Dekada 70.”

Bilang isang aktibista noong panahon ng FQS, natatawa ako sa labis na dramang ginawa sa “Sigwa.” Marahil nais lamang ipagparangalan ng director ang kanyang “artistic license”. Nais nitong lagpasan ang drama ng "Dekada 70" na uminog sa isang pamilya. Ang Sigwa naman ay tumutok sa mga love stories at kung saan ito nauwi.

Pinalawig ang mga eksena o ang drama maging lagpas na ng FQS. Sumapaw ito sa panahon ng martial law hanggang sa kasalukuyan-lalo na sa panahon ni GMA. Naglakbay diwa ito sa pamamagitan ng paraang balik-tanaw ( flashback) at ginutay-gutay ng mga drama at konstradiksyong persona. Waring ang kilusan ay ginawang personal kaya lumalim ng lumalim ang drama. OA ika nga.

Nais marahil ng director at manunulat na ipaliwanag ang ugat at pinagmulan ng kilusan. Tagumpay sila dito. Ngunit sa pagpapalawig, lubha itong nagusot dahil sa pagkakasanga.

Halimbawa, mayroon bang ina na babalik pagkaraan ng 35 na taon para hanapin ng anak? Naalala ko tuloy ang pelikulang "Andrea." Ang drama ng isang ina ni La Aunor.

Sa ilang eksena, ang usapin ng DPA o impiltrasyon ay lumabas lamang noong 1981-85. Ngunit binigyan ito ng diin sa drama nina Dolly at Eddie na inilagay sa panahong pagkababa ng martial law. Na hindi kailanman naging totoo.Hindi pa uso ang DPA at ginawa lamang ito ng diktadura noong 1981.

Labis na drama ding nagpakamatay si Eddie para patunayan siya ay nagbago. Una, walang karanasan sa kilusang ganito. Ikalawa ang mga karanasan ng inpiltrasyon ay sa panahon ng FQS nangyari hindi matapos ang martial law. Naganap lang ito noong 1981-90. Ikatlo, nagtataka ako kung bakit ipinasok ito ng director ng wala sa lugar.

Marahil para ipagtanggol ang kilusan sa mga pumupuna dito. O Kaya talagang madrama lang ang sumulat at wala silang maisip kundi ipasok ang bahaging ito na overacting. Lumalabas tuloy na kulang sila sa pagsusuri.

Kung nagsuri lamang ng husto ang mga gumawa ng pelikula dapat nalaman nilang nahitik ang kilusan sa  mga impiltrador na nagpanggap na aktibista at sa huli ay nalantad din ,nabisto ng mga kasama tulad nina ISAFP agent Benilda Macalde,  Lt. Elnora” Babbete” Estrada ng  KM at ng isang  Navy Lt. Fred Tirante sa  SDK.

Binulgar ni  Babette Estrada at tumistigo siya laban kay Nilo Tayag, Chairman noong  ng KM  sa korte noong 1970. Kasintahan siya ni Tony Tayco ng  KM noon. Samantalang si Tirante ay lumantad para siraan ang SDK bilang  “NPA” front noong  1971.  Mas maganda kung dito sila nagtuon kaysa sa lumikha ng di-makatotohanang drama. Sila ang tinatawag noong mga Ajax o ahente ng kilusan. Di pa noon uso ang DPA.

Sa isang eksena nakasuot sa likod ng isang aktibista ang pasikin gawa sa Cordillera. Noong FQS di pa uso ang back-pack sa mga kabataan. Ilan lamang ito sa mga maliliit na pagkakamali ng pelikula na di lalagpas sana sa mapanuring mata ng mga kritiko.

Iba pa ang usapin sa paratang ni Luahhati Bautista na hinalaw daw sa kayang aklat ang istorya tungkol sa isang Fil-Am. Nauunawaan ko ito pero gusto ko pang mabsa ang aklat bago ako magkomento.

Para sa akin gusto ko ang ending ng Sigwa. Nagbabadya ito ng hinaharap. Sana nga magtagumpay na rin ang rebolusyong tumatagal nang masyado.

Sana dumating ang panahon na ang mga dating aktibista tulad nina Bobby Tiglao ng KM-Ateneo  na naging tagatilaok ni GMA, si Gary Olivar ng SDK/MDP at ngayon si Hermie Coloma ng UP at iba pa ay maharap din sa bunganga ng baril na kanilang inaalipusta.

Maraming nanood sa pelikulang hinitik ng istorya ng pag-ibig. Sabagay kahit paano, hindi na lang background ang FQS, Ito mismo ang istorya.

Dito lang, sulit na ang bayad ko!

********

No comments:

Post a Comment