4.10.11

Bagong Lider-Mandirigmang Malaweg sa Makabagong Panahon- Ka Baylon (Jose Asco)

Pagpupugay


Bagong Lider-Mandirigmang Malaweg sa Makabagong Panahon- Ka Baylon (Jose Asco)


Ni Jacinto Luna


Buong giting na nagpupugay ang sambayang Pilipino sa kagitingan ni Ka. Jose ‘Ka Baylon” Asco .


Isang magiting na mandirigmang Malaweg sa bagong panahon. Ipinagpatuloy niya ang magiting na tradisyon ng pakikipaglaban ng mga rebolusyonaryong lider na lumaban sa mga Kolonyalistang Kastila  tulad ni Magalat ( 1595), Magtannga ng Itawes at Ines Carinugan ng Silangang Kaitawisan. Nasawi si ka Baylon habang lumalaban sa pusod ng Kaitawisan sa Piat, Cagayan. Siya at ang at apat pang mga mandirigma ng NPA ay nagbuwis ng buhay sa labanan sa kapatagan ng Itawes  sa Sityo Talinganay, Barangay Sto. Domingo, Piat, Cagayan noong Mayo 12, 2011.


Ang Malaweg ay isang maliit na tribong minorya na nakabase sa Zinandungan Valley sa pagitan ng Kalinga at Cagayan. Tinawag silang Malaweg ( ibig sabihin sa Kastila ay Masamang Tubig--Mal at Ueg ( Ilog ) sa salitang Itawes).


May sariling kabihasnan ngunit iba sa tribong Itawes na nasa Kabundukang Silangan at Kanlurang kapatagan ng Cagayan. Ang mga Malaweg sa kapatagan ng Cagayan ang pinakahuling nagapi ng mga Kastila. Ngunit ang mga nasa bundok lalo na sa Zinandungan Valley ay nanatiling malaya. Napailalim lamang sila sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.


Si Ka. Baylon Isa siyang magsasakang ulila na sa mga magulang na nakatira noon sa Barangay Bato, Rizal, Cagayan. Ang lugar na ito ay nasa bukana ng Zinandungang Valley sa may kapatagan ng Itawes. Kalaunan, naging foreman siya ng Redwood Logging Company, isang trabahong nagdala sa kanya sa liblib ng mga kagubatan palapit sa mga mandirigma ng New People’s Army na nagpamulat at nagpakilos sa kanya sa rebolusyon. Noong 1979, sumampa siya sa NPA.


Pundador ng NPA


Nakasama siya sa mga unang buong SYP na kumilos sa Kanlurang Cagayan sa may  Zinandungan Valley at Santo Nino. Isa siya sa mga nagpundar ng kilusang magsasaka sa lugar na ito hanggang sa lumaganap ang kilusan sa buong lambak ng Cagayan at sa Kalinga-Apayao.


Elementarya lamang ang kanyang natapos, ngunit naaral niya ang kalagayan ng lipunan at ibinahagi ito sa masang magsasakang sinamahan niya sa paglaban hanggang sa huling hininga.


Pinakamagandang biro niya na di malimutan ng lahat at nagkakatawanan kapag ikinukuwento niya na ;” Ang kaklase kong si Mayor Raul Dela Cruz,( isang malaking panginoong may-lupa sa Rizal, Cagayan na kabilang sa Pamilyang Villaflor at Sequi  sa lalawigan ng Cagayan)  sa elementarya ay nangogopya lang sa akin lalo na aritmeteka.” Patunay na kahit mahirap, magaling si Ka. Baylon kahit hindi siya nakapagtapos, Patunay ang mga mahahalagang  tungkulin ginampanan niya sa kilusan mula 1979-2011.


Nang buuin ang Unang Platung Partisano sa Cagayan at Apayao  sa Southwest Front (SWF) noong 1985, isa siya sa nahirang na mamuno sa Sangay ng Partido na mamahala sa pakikibakang masa at pakikidigmang partisano sa panahong ng SCO.


Nanatili siyang matibay na timon at angkla sa pagpupundar ng Partido at sa pagsusulong ng rebolusyon sa Cagayan Valley at rehiyon ng Ilocos bago, sa panahon ng SCO at sa pagsusulong sa Kilusang ng Pagwawasto. Ginampanan niya ang lahat ng tungkuling iniatang sa kanya sa abot ng kanyang makakaya, tungkuling pang-organisasyon, pampulitika o pangmilitar man ang mga ito. Kabilang sa mga pusisyong hinawakan niya ay ang pagiging isa sa namumuno sa Roger Baccud Front noong 1986, South Party Committe-Cagayan noong 1988.


Haligi ng Pagtutuwid


Gumanap siya sa Apayao Party Committee noong 1993, Northwest Cagayan Party Committee noong 1995, at sa panahon ng kamatayan ay bilang kagawad ng Komiteng Larangan sa Danilo Ben Front-West Cagayan. Kahit maari nang magpahinga dahil sa edad at kalagayang pangkalusugan, pinili niyang gumampan ng gawain sa larangang gerilya. Gumabay at nagsanay siya sa mga bagong kadre at kasapi ng Partido, naging mahusay na kumander ng platung gerilya


Binigo ni Ka Baylon ang maraming pagsubok sa kanyang katatagan, hindi lang ang mga panloob na mga kontradiksyon sa isip o sakit sa katawan. Nanatili siyang matibay kahit dekada na siyang pinasusuko ng kaaway, sa pamamagitan ng suhol man o karahasan.


Tinawanan niya ang mga alok sa kanya ng pagsurender, napoot siya sa pagdidiin sa kanyang mga anak at kapamilya upang sumuko siya, kabilang ang pagpaslang ng militar sa kanyang bagong-panganak na asawang si Maria ‘Ka Rema’ Gubat noong 2001. Sa mahigit 33 taong pagsisilbi niya sa mamamayan, hindi siya nanlamig sa paglaban ni isang saglit. Magiting na tradisyon ng tribong Malaweg.


Magiting siyang naging inspirasyon hindi lang sa mga kapwa namumuno at pinamumunuan, kundi pati sa masang anakpawis sa buong rehiyon.
Nakasaludo ang mga kadre at kasapi ng Partido Komunista, mga komander at mandirigma ng NPA, at buong rebolusyonaryong puersa sa Cagayan Valley sa naging buhay at kamatayan ni Kasamang Jose Asco.


Buhay at kamatayan itong di mamamantsahan anumang putik ang ibato ng reaksyunaryong rehimen sa rebolusyonaryong kilusan, isang kasaysayan na magsisilbing bantayog na kailanma’y nakatirik at di magigiba sa dibdib ng uring api, gaya ng kanyang prinsipyo na ating pagliliyabin hanggang sa pananagumpay ng rebolusyon.


Mabuhay ang ala-ala ni Ka Jose Asco at lahat ng rebolusyonaryong martir!


Mabuhay si Ka. Baylon!


*******

No comments:

Post a Comment